Cupid's Target


(December 2012)

Ang misyon lang ni Pheony ay tulungan si Hugo upang mapamahalaan nito nang maayos ang ospital na pag-aari ng mga magulang nito. Kaya nagulat siya nang isang araw ay mag-propose ito ng marriage sa kanya.

Napailing siya. “Sorry. But I won’t marry you.”

“Why not?”


“Because I don’t love you.”

“You don’t?” nakataas ang mga kilay na tanong nito.


“Alam kong naging malapit tayo sa isa’t isa pero hindi ibig sabihin n’on na may nararamdaman na ako para sa `yo. Actually, I was just being nice to you.”

Sinabi ni Pheony na tanging pakikipagkaibigan lang ang kaya niyang ibigay kay Hugo. Ngunit hindi niya inaasahan na kahit ano pala ang gawin niyang pangungumbinsi rito ay tanging sarili lang nito ang pakikinggan nito.

Kaya iniwasan niya ito. But it only made Hugo more determined to make her fall for him. 

Magagawa kaya ni Pheony na ipaintindi rito na hindi talaga sila para sa isa’t isa o mas magagawa ni Hugo na ipaintindi sa kanya na sila talaga ang nararapat na magsamang dalawa?


Excerpt:


PROLOGUE

Maraming kilalang tao ang dumalo sa engagement party nina Elise at Clint. Inaasahan nilang ganoon din karami ang dadalo sa mismong araw ng kasal nila.

Abala si Elise sa pag-iisip ng magandang disenyo para sa kasal nila nang mapuna niya ang isang matangkad na lalaki na nakatayo sa isang tabi. Nakatingin ito kay Pheony na abala sa pakikipag-usap sa iba pa nilang bisita.

“Alam ko kung ano’ng iniisip mo,” bulong ni Clint sa tainga niya nang iabot nito sa kanya ang inumin na ipinakuha niya.

“What?” inosenteng tanong niya bagaman nakangiti. “I was just staring at him.”

“Staring and scheming are two different things,” komento pa nito.

“Bagay naman sila, ‘di ba?” pangungumbinsi niya rito.

Niyakap siya ni Clint.

“Hindi mo na kailangang gumawa ng paraan para magkakilala silang dalawa,” bulong uli nito.

“Bakit?” mahinang tugon din niya habang yakap ito.

“Dahil kilala na nila ang isa’t isa.”

Nag-angat siya ng tingin. “Talaga?” namamanghang tanong niya.

Tumango ito.

“Eh, bakit parang hindi? Iniiwasan ba nila ang isa’t isa? At paano mo nalaman iyon?”

Bumitiw ito sa pagkakayakap sa kanya at humarap.

“He was my client,” sabi nito habang itinuturo ang lalaking nakatayo pa rin sa isang sulok. “He owns the Martinez Medical Center. And he’s hiding from her.”

Napakunot-noo siya. Sa mga sinabi nito ay parang binalaan na rin siya nito na huwag makialam sa dalawa.

0 comments:

Post a Comment

© 2011 The Chronicles of Cupid, AllRightsReserved.

Designed by ScreenWritersArena